kuya


kuya bokyo,

sa lahat sating magkakapatid, ikaw ang hindi ko sobrang kaclose. sabi ni mama at ate evic, malayo daw kasi ung agwat nating dalawa kaya ganun. kayo kasi nila ate evic at ate oya , isang taon ang ang pagitan samantalang tayo limang taon.

hindi tayo magkasamang lumaki. basta nung grade 3 or grade 4 ka ata kung hindi ako nagkakamali, natatandaan kong pinauwi ka sa probinsya para mailayo kay hitler. tapos nung nagcollege ka, umuwi ka dito samin tapos mga isang taon ata na nakasama ka namin pero dahil ulit kay hitler, bumalik ka ng probinsya. Sa maiksing panahon na nakasama kita sa bahay lalo pa’t roommate tayo, ung tumatak na memorya sakin ay ung mga panahon na lagi tayong nagbabangayan kasi masungit ka para sakin tapos ang tingin naman niya sakin ay maarte. Masyado kang OC sa kwarto lalo na sa mga gamit mo samantalang ako makalat at tamad. Siguro kung lumaki tayong magkasama, malamang para tayong mga aso’t pusa. Pero syempre kahit alam kong magiging ganun, mas gusto ko pa din siguro na magkasama tayong lumaki. Lagi kong iniisip na kahit semi-dysfunctional ang pamilya natin, I still have the best of both worlds kasi meron akong mga ate at kuya gaya nyo. Hindi naman lahat laging nabibiyayaan ng ganun diba?

 

Dahil mas nakasama ko ng mas matagal sila ate evic at ate oya kesa sayo, lumaki akong sister’s girl. Pero syempre dumarating ung mga panahon na hinahanap-hanap kita at kapag dumadating ung panahon na kuya ung kailangan ko, nalulungkot ako kasi out of reach ka. Ocean’s apart kasi tayo. Naisip ko kaya siguro mahilig akong tumawag ng kuya sa mga lalakeng nakakasalamuha ko, hinahanap ko ung presensya ng kuya ko. Ang presensya mo.

hinanap kita noong minsang may nakaaway akong lalakeng mayabang, hindi ko masabing isusumbong kita sa kuya ko kasi wala ka.
hinanap kita noong minsang gabi na ako uuwi at natatakot ako kasi madaming loko-loko sa lugar natin kaso wala ka din.

madaming beses kitang hinanap sa kawalan pero hindi kita matagpuan (ang arte lang, haha). pero naging positibo naman ang naging resulta kahit paano. kahit lumaki akong tahimik at reserved, street-smart at self-reliant naman ako (sa tingin ko). Lumaki din akong matapang. Biruin mo natagalan kong makasama si hitler ng mahigit isang taon kahit mahirap. Ang galing ko noh?haha

natatak sa isip ko ung minsang sinabi ni ate evic na pakiramdam mo madaya ang panahon kasi hindi namin dinanas ni JL ang mga naranasan mo. nakaranas man kami ng cariño brutal, wala pa din yun sa kalingkingan ng pinagdaanan mo. nalungkot ako sa katotohanang yun. pero ngayon naiintindihan ko na. siguro kung ako ung nasa kalagayan mo, that very same thoughts would have been running in my mind. Anyhow, alam ko namang sa kabila nun, mananatili ang katotohanang labs mo kami ni JL kahit pa gorgeous cold shoulder ka sa pagpaparamdam samin ng pagmamahal mo. Tsaka, mananatili ding labs ka din namin noh kahit mukha kang replika ni hitler. Hehe, di hamak na mas mabuting tao ka sa kanya ng mas madaming madaming beses. peace, alam ko namang ayaw na ayaw mong ikukumpara ka sa kanya eh.

alam mo ba,masaya ako sa kasalukuyan at naisipan mong bumisita samin nila ate evic recently kasama si ate evelyn. masaya ako at sa wakas nagkaroon ako ng chance mailibre mo ulit after 10 years (yun lang talaga ung gusto ko, peace, haha). masaya ako at nakapagmovie marathon tayo nila ate evic at magkakasama tayong nanuod ng Zombadings, Area51, In the name of love at Way back home. Magkakasama tayong nagtawanan, natakot, nainlab at nag-iyakan. (pero mas masaya kung kasama din natin sila JL at ate oya) Masaya ako at nagpunta tayo sa bahay ni repapips Pepe (kahit ilang beses na akong nagpunta dun) at nagpicture-picture. Masaya din ako at nagpunta tayo ng SM, naglaro sa Quantum at Worlds of Fun at kumain sa Jabi. Masaya ako sa pinagsaluhan nating puto-bumbong at kape nung minsang bumuhos ang malakas na ulan sa calamba. Masaya din ako kasi naranasan ko ulit na maihatid mo sa may sakayan nung isang araw. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya nun, hanggang pag-uwi abot-tenga ang ngiti ko, haha, (hindi naman kasi ako madalas naihahatid kasi tingin nila sakin may X chromosomes sa katawan.) sa lahat ng ito, madaming Salamat!

alam kong hindi na natin mapupunan ang nagdaang panahon na hindi tayo lumaking magkakasama. ang magagawa na lang natin ay ang lumikha ng mas madaming masasayang alala pamalit! hehe. Sana mabigyan tayo ng chance na magkasamang lahat nila mama, ate evic, ate oya, ikaw, ako at si JL kahit isang gala lang. Sobrang magiging masaya talaga ako kapag nagkaroon ng katuparan yun.

 

Dagdag kahilingan ko rin na sana balang araw, makalimutan natin ang lahat masasakit na alaala at sana kapag dumating ang panahon na kapag tayo na ang nakatakda, makapagsimula tayo ng mas masayang pamilya.
 
xoxo,
 
bonchie